Pinoy Blogs
View Archive
Create Pinoy Blog

Kirot ng Kahapon - Part 1

Sa sobrang pagod sa maghapong trabaho
Muntik na akong mabulunan ng kanin
Nang aking sunggaban ang aming hapunan
Na nakahain sa kuwadradong mesa
Ang sarap ng amoy ng pritong galunggong
Ang sawsawan ay ginayat na kamatis
At sibuyas at katas ng kalamansi
Na hinaluan ng bagoong Balayan
Sa bawat subo ay nam-nam ko ang sarap
Na humahangod sa aking lalamunan
Gutom ko’t pagod ay naglahong tuluyan
At nanumbalik ang nawala kong lakas…

Di naglaon ang paligid ay nagdilim
At mga huni ng ibon ang maririnig
Hudyat na sila ay magpapahinga na
Sa mga sanga ng kamatsili at santol
Sila’y tulad ko pagal din ang katawan
Ako naman ay tumalima palabas
Nahiga sa katreng gawa sa kawayan
Doon ay pasulyap-sulyap kong nilirip
Ang looban ng maliit naming kubo
Ilang saglit pa’y napatuon sa langit
Ang aking paningin at nasilayan ko
Ang maniningning mukha ng mga bituin…

Ang puso ko ay humalakhak sa tuwa
Naaliw sa naghugis taong mga ulap
Sa t’wing nasisinagan sila ng liwanag
Ng mga bituing nagniningning sa langit
Puso ko’y biglang bumilis ang pagpintig
Nang biglang nagkamalay sa isipan ko
Ang matagal nang nakatagong pangarap
Para sa mahal kong asawa’t mga anak
Kasabay ang pagtanong ko sa aking sarili:
Paano ko kaya ito’y sisimulan?
Sa bawat sulyap ko sa aking mag-iina
Ang nakikita ko’y mukha ng kawalan …

Nang magkasakit ang mahal naming bunso
Halos sumabog ang puso ko sa galit
Nagawa kong murahin ang kalikasan
At sisihin ang Maylalang sa nangyari
Nagkataon na ang aking mga pananim
Sa lupang aking sinasaka’y nasira
Nang ito’y hagupitin ng bagyong Luring
Nakiusap kami sa mga kaibigan
Nguni’t kami’y pinagkaitan ng tulong
Nasugata’t nagkabukol ang ulo ko
Nang bigla kong ingud-ngod ito sa pader
Dahil sa sobrang sama ng aking kalooban… 


COMMENTS

Kirot ng Kahapon - Part 2

Halos panawan ako ng aking lakas
Hangin sa dibdib ko ay ‘di makalabas
Basag ang boses, garalgal sa sakit
Nagwawala at nag-aapoy sa galit

Puso kong luhaa’y pilit sumisigaw
Liwanag ang samo dapat mangibabaw
Wag hayaang maglaho ang haring araw
Sa gitna ng dilim siya ay pamanglaw

Dapat bang sisihin ko ang kahirapan
Na sanhi ng aming pagdarahop ngayon
O ang matinding galit ng kalikasan
At ang kasakiman ng ilang kabayan?

Na sukdulan kung kami’y alipustahin
Kulang na lang na kami ay palayasin
Sa maliit naming mundong kinagisnan
Mundo ng wagas naming pagmamahalan

Mga mata ko ay nalulunod sa luha
Makikirot, mahahapdi’t namamaga
Parang sinabuyan ng maanghang suka
At sasabog sa matinding pagdurusa!

Kakayanin ko ba itong kaapihan
Na dinaranas ngayon ng aking angkan
Sapat ba ang hapdi, kirot at kawalan
Na isuko ang buhay na walang laban?