Pinoy Blogs
View Archive
Create Pinoy Blog

Mangarap ka: Huwag Hihinto

“Isa kang suwail na anak! Lapastanga’t walang pagmamahal sa magulang!”

Mga bintang na ibinato sa akin ng mga taong mapanghusga sa kanilang kapwa at magpa-hanggang ngayo’y nananatili sa aking alaala, nguni’t iyon ay lalung nagpatibay sa akin na magsikap na marating ko ang ambisyon ko. 

Ang lahat ay nagsimula ng lisanin ko ang tahanan ng aking mga magulang at namuhay na hindi ko sila kasama. Nagawa ko iyon dahil sa pagmamahal ko sa kanila at ang hangarin kong makapag-aral.

Sa murang edad na 13, sa taon 1973, kahit labag sa kalooban ng magulang ko iniwan ko pa rin sila at namuhay sa paraan na kaya ko. Sa aking paglalayas naranasan kong matulog sa mga puno ng pine trees, na nakatayo sa paligid ng plasa ng aming bayan, ang sapin at kumot ay pira-pirasong karton at diyaryo, kasama ang ibang palaboy. Minsan sa taas ng kampanaryo o sa loob ng simbahan ng bayan, sa loob ng palengke at sa mga waiting shades. Hindi ko inalinta ang kagat ng lamok, ng langgam at ang lamig ng gabi. 

Natutuhan ko kung paano makipagkaibigan at makipagkapwa tao sa mga taong hindi ko kaanu-ano, na noon ko lang nakita’t nakasama; madudungis at nangangamoy araw. Ngunit hindi ako nangilag na makisalamuha at makisama sa kanila. Kumintal sa mura kong isipan na pareho ang aming mga kapalaran. Kaya naman naging madali para sa akin na makasama ko sila. 

Ang palengke ang pinagkukunan namin ng aming pamatid uhaw at gutom sa maghapong pagbubuhat ng mga paninda ng mga tindera sa palengke kapalit ay konting pera na aming paghahati-hatian pagdating ng hapon at pagkain na aming pagsasaluhan. 

May mga gabi na ako’y lumuluha. Hinahanaphanap ko ang pagyakap ko sa nanay bago ako matulog at ang masayang tawanan naming magkakapatid sa tuwing kami’y nagkukuwentuhan at nagkukulitan sa isa’t-isa. Subalit ang pangungulila ko sa kanila ay hindi nagpabago sa aking disisyon. 

Hanggang sa mag-labor ako sa isang construction, kasalukuyan noon ay nagtatayo ng limang pintong apartment sa harap ng Southern Samar School of Arts and Trades na ngayo’y Felipe Abrigo Memorial School of Arts and Trades sa bayan ng Guiuan, Eastern Samar. Pagpapala ng buhangin, paghahakot ng semento’t hollow blocks ay kinaya ko. Kung minsan nauutusan din ako na bumili ng mga gamit sa hardware at sa tindahan na kakailanganin namin.

Sa unang pagsabak ko sa construction matinding sakit ng aking katawan ang naramdaman ko. Makikirot ang mga daliri ko at mga paa, nagkasugat sa maghapong pagbabad sa hinalong semento na ginamit sa pag flooring. Nguni’t sa kabila na mabigat at mahirap na trabaho nakaya ko. Masaya na ako sa 15 pesos na araw ko.

May mga gabing balisa ako. Hindi ako makatulog sa loob ng barracks na aming tinutulugan dahil sa sobrang pagod at pananakit ng aking buong katawan. Umiiyak ako at gusto ko nang umuwi sa aking mga magulang. Subalit pagdating ng kinabukasan lahat ng inisip ko’y kinalimutan ko. Nanaig sa akin ang pangarap ko. Lalu na nang pagmasdan ko ang FAMSAT at nakita ko ang maraming mga mag-aaral na labas-pasok sa gate, pakiramdam ko ako’y lumalakas at nagkunwari na isa ako sa kanila na may bitbit na aklat at notebooks. Ang hirap at pagod ay tuluyang naglaho. 

Biglang nagbalik sa isip ko ng ako’y nag-aaral pa sa elementarya sa baryo namin ( Mayana Elementary School ) maaga ako kung magising para maghanda ng aming aalmusalin at maliligo pagkatapos. Sa anim na taon ko sa mababang paaralan laging umaakyat sa entablado ang tatay at nanay ko upang magsabit sa akin ng medalya sa tuwing magtatapos ang taon, lagi ako ang nangunguna sa honor role at malimit din akong sumali sa mga kompetisyon laban sa iba pang paaralan. Madali sa akin ang Math, Science at History. Kaya ang pinangarap kong kurso pag ako’y magkolihiyo na ay accounting at maging manunulat. Nguni’t hindi kaya ng magulang ko ang gastusin. 

Ang tatay ko ay isa lamang electrician. Nguni’t malaki ang nagawa n’ya na magkaroon ng ilaw ang aming bayan. Tawag sa kanya ay Tonio mula sa pangalang Antonio. Grade 2 lamang ang natapos n’ya pero magaling at mahusay siya mag-ayos ng mga makina para sa pagpapailaw ng buong bayan. Umaakyat siya sa matataas na poste para ayusin ang linya ng kuryente. Kahit maliit lamang ang sahod n’ya pilit na pinagkakasya ng nanay ko.

Ang nanay ko tawag sa kanya ay Emang mula sa pangalang Geronima ay isang madasaling tao, mabait at mapagmahal sa kapwa at sa pamilya. Kami ay walong magkakapatid, ako ang pang-anim. Para sa amin sila ang da best na magulang sa mundo. Kahit hirap sa pamumuhay hindi namin nakitang mag-away silang mag-asawa. Pinalaki kami ng pagmamahal at magandang pagdidisiplina. 

Nahinto ang pagmumuni-muni ko nang biglang sumigaw ang kasama ko, “Paul, hakutin mo na ang mga semento,” at ako’y tumalima. 

Lumipas ang anim na buwan natapos ang tinatayo naming apartment. Umalis kami sa lugar at lumipat sa panibagong project isang three-storey building na pag-aari ng isang negosyanteng Intsik. Inabot kami ng halos isang taon dahil malaki’t maluwag. Pero bago ako umalis doon sa natapos naming apartment nag-iwan ako ng pangako na ako’y babalik para mag-aral sa FAMSAT. 

Nang matapos ang project wala nang sumunod, ang iba kong kinita ay ibinigay ko sa aking magulang idinaan ko sa kuya ko. Sinabi ng kuya ko mula raw nang ako’y maglayas walang gabi na hindi umiiyak ang nanay ko. Hinanap daw nila ako, pinagtanong kung kani-kanino. Naniwala ako sa sinabi ng kuya ko dahil maraming beses kong nakita ang tatay ko sa palengke na nagtatanong tungkol sa akin sa kanyang mga kaibigan, nguni’t sa tuwing nakikita ko ang tatay ako’y nagtatago. Hindi naman daw sila galit sa akin at naunawaan daw nila ako. Umuwi na daw ako, pakiusap ng kuya ko sa akin. Nguni’t ako’y nagmatigas, sinabi ko na OK lang ako kuya. 

Dahil wala ng projects ako’y balik uli sa palengke at katulad ng dati nakisalamuha sa mga dating kaibigan. Nasubukan ko rin mamalakaya kasama ang mga mangingisda. Kaya lang pag mahina ang huli at minsan minamalas walang datung. 

Hanggang isang araw na met ko ang dating principal ng Guiuan 3 District na si Ginang Maria Juaban Santos, may tatlong anak. Ang dalawa ay nag-aaral sa Maynila at ang bunso nilang lalake ay sa Cebu . Ang asawa n’ya’y isang abogado at naging city judge ng Tacloban at sa huli ay naging Regional Trial Court Judge. May bahay sila sa Tacloban doon namamalagi ang kanyang Mister na si Regional Trial Court Judge Andres Santos Sr. Minsan lang kung umuwi sa Guiuan dahil maraming trabahong inaasikaso. 

Nang ako’y alukin ni Mrs. Santos na maging kasama n’ya sa bahay hindi ako nagdalawang isip at ako’y pumayag. At nangako siya na ako’y kanyang papag-aralin. Hindi namin pinag-usapan ang tungkol sa buwanang sahod ko. Kung ano raw ang kailangan ko sa school bibilhin n’ya kasama ang pang-araw-araw na allowance ko. 

Biglang nagliwanag ang paligid ko sa sobrang ligaya dahil matutupad na ang pinangarap ko, na ang kapalit ay magsilbi sa kanila. All around helper at houseboy ako. Nagawa ko ang maglaba ng kanilang mga damit, mamalantsa, magluto, mamalengke, maglinis ng mala-mansiyon nilang bahay at lahat na ginagawa ng isang katulong sa bahay. Lahat ay kinaya ko. At paminsan-minsan pinapasyalan ko na rin ang mga magulang ko sa baryo namin na may sampung kilometro ang layo sa bayan. 

Taon 1977, unang taon ko sa FAMSAT, second honor ako, pagdating ng second year at third year first honor ako. Sa fourth year SY 80-81 nasa top three ako sa pangkalahatan na nag graduate ng high school. At sa araw ng graduation umiyak ako habang yakap ko nang mahigpit ang nanay sa taas ng entablado, humingi ako ng tawad. 

SY 81-82, sa FAMSAT pa rin ipinagpatuloy ko ang kolihiyo. Isang taon ako sa kursong BSIE (Bachelor of Science in Industrial Education). Sumunod na mga taon lumipat ako sa Catarman, Northern Samar dahil doon naka assigned ang boss ko si Regional Trial Court Judge Andres Santos Sr. ang naging trabaho ko sa kanya ay alalay parin at clerical jobs. Ako rin ay kanya  pinag-aral sa University of Eastern Philippines (UEP), Catarman Northern Samar sa kursong BCM (Business Cooperative Management). 

Nang matapos na ang kanyang assignment sa Catarman, after two years bumalik kami sa bahay nila sa Tacloban. Hindi na ako isinama n’ya sa panibago n’yang assignment sa Bohol . Nanatili ako sa Tacloban kasama ko ang dalawa n’yang pamangkin. Itinuloy ko ang pag-aaral ko sa Leyte Colleges sa kursong accounting. Kaya naging bahagi din sa buhay ko si dating Dean Felicitas Balino ng Commerce Department na siya rin ang professor ko sa Business Investment SY 85-86. 

Seguro dahil sa nagkakaedad na ako (26 yrs old) at pakiramdam ko ako’y napapagod na sa pagiging taga pangalaga ng ibang tao ako’y nagdisisyon na huminto na sa pag-aaral sa Leyte Colleges bago matapos ang taong 86 lumuwas ako ng Maynila ngunit baon ko ang mga pangaral ni dating Dean Felicitas Balino. 

At mula sa Manila napadpad ako sa Cavite, ang taong kumupkop sa akin ay ang dating gobernador ng Cavite na si Honorable Lino Bocalan, tumira ako ng mahabang panahon sa kanyang balwarte magpa-hanggang ngayon. Siya ay tanyag ‘di lamang sa Pilipinas kundi sa ibang parte ng Asya. Bago siya binawian ng buhay noong late 90s nasa isip ko pa rin ang kanyang sinabi sa akin noon “Paul, ‘wag kang mahiya kaninuman, kung ano ang sa palagay mo ay makakabuti para sa sarili mo at sa pamilya mo gawin mo, ingatan mo lang na wala kang masasaktang tao.” 

Sa Cavite natagpuan ko ang aking napangasawa mula sa pamilya ng Bacolod . Mabait siya at mapagmahal. Nagpakasal kami noong December 9, 1986 unang taon ni Mrs. Cory Aquino bilang presidente ng bansa. Niligawan ko ang misis ko sa loob lamang ng anim na araw at ang pampito’y nagpakasal kami sa huwes. Seguro sa lahat yata ng kasal ang kasal namin ang pinaka simple. Ang pera ko sa wallet ay 10 peso bill lamang, ang sumagot sa processing ng dokumento ng kasal namin ay ang aming naging ninang na si Mrs. Basilia Bocalan na asawa ng kapatid ni Hon. Lino Bocalan at walang handaan na nangyari. Salamat sa mga biyenan ko at di sila nagreklamo. Pangako ko sa misis ko na one day magpapakasal kami sa simbahan. Ikinasal kami sa Trece Martirez City , Cavite . At ilan taon pa ay papalapit na ang silver wedding anniversary naming mag-asawa. 

Binigyan kami ng apat na anak. Lalake ang panganay namin, nguni’t di pinalad sa edad na 9 months mula ng siya ay isilang namatay siya sa sakit. Ang sumunod ay tatlong babae. Ngayon sila ay nagdadalaga na. Ang isa ay nasa first year college sa kursong computer science. Ang dalawa ay sa high school pa fourth year at third year. 

Noong March 1994 dumating ako sa Saudi Arabia hired ng kompanyang pinagtratrabahuhan ko ngayon ang KHS. Unang assignment ko ay Janitor sa Jeddah, sa Civil Defense Aviation Command, ang kompanya namin ay maintenance ng helicopter na Kawasaki kasama ang pangangalaga ng base, sumunod na taon napalipat ako sa Dhahran, CDAC, bilang Facility clerk, pagdating ng 1997 napalipat ako sa headquarter namin dito sa Riyadh, ang assignment ko ay sa Finance Department sa posisyon Account Analyst magpa hanggang ngayon. 

Sa mga taon naaking inilagi sa kompanya ng Kawasaki Helicopter Services, ako’y nag-aral pa rin. Taon 1999, kumuha ako ng Creative writing course with the Writers Bureau in Manchester, London, by mail at sa sumunod na taon 2000, ay Journalism and Short Story Writing course with the ICS (International Correspondence School) Pennsylvania, USA by mail. 

Sa ngayon ako’y higit 48 years old na (April 29, 1960) at nararamdaman ko na rin ang paminsan-minsang pananakit ng aking mga kasukasuan. Di ko man natapos ang accounting course, at pagsusulat ang trabaho ko ay nalilinya sa accounting. At marami na rin nalimbag na mga awit at kuwento ng aking puso. At salamat sa PX at (Patnubay.com) na nagpahalaga ng aking mga hinabing tula . May sarili din akong blogsites ang mababasa doon ay sari-saring subjects written in English and Pilipino tulad ng (http://360.yahoo.com/ppruel
), (http://en.netlog.com/ppruel
), (http://ppruel.multiply.com) at sa iba kong online profile katulad ng (http://patnubay.com), (http://ofwguide.com) at (http://www.emanilapoetry.com) at itong pinakabago (http://www.kamusta.com) at sumali na rin ako sa iba’t-ibang forum groups sa internet panlaban ko sa homesickness. 

Magpa-hanggang ngayo’y ‘di parin ako tumitigil na mangarap, ‘di na para sa sarili ko kungdi para sa asawa ko’t mga anak, para sa kanilang kinabukasan kasama ang nanay at pamilya. Ang nanay ko ay otsenta k'watro na nasa pangangalaga ng kuya ko. ‘Di man kami nagkikita ng nanay ng matagal na panahon masaya siya pag nakakatanggap ng sulat ko at nagkakausap kami sa phone. ‘Di ko parin nakakalimutan ang obligasyon ko sa kanya. Ang tatay ko ay sumakabilang buhay na noong taong 1991 sa edad na 65. 

“Sa lahat ng dinaanan kong hirap, 
hindi ko nakalimutan ang Maylalang. 
Sa tuwing ako’y iiyak dahil sa sakit
Ako ay sa Kanya nagsusumbong.
Ako’y nagpapasalamat sa Kaniya ng labis, 
dahil hindi NIYA ako pinabayaan!”

(http://www.patnubay.com/topic.asp?TOPIC_ID=207&FORUM_ID=18&CAT_ID=9&Topic_Title=Mangarap+ka%3A+Huwag+Hihinto&Forum_Title=Entertainment