Ako'y nagbabalik
Upang muling madama
At hagkan ang init
Ng kahapong nagdaan...
Mga alaala na nagpasaya
Ng labis sa bawa't isa
Mga alaalang nagbigay kulay
At buhay sa atin salin-lahi...
Kaya ngayon sinasamo ko
Ang bawat isa na makisalamuha
At buhayin ang mundo
Ng matamis na samahan!
Kamusta kayo kabayan? Ito ang hobby ko...






Bravo, Paul. Bravo. As a writer, daig mo silang lahat dito sa kamusta.com. Ganiyan ang karamihan ng tunay na pilipino. Mahilig at magaling sa tula, kanta, sayaw, musika at sulatin.
Salamat ulit Sir mxa3, dudugtungan ko ho ito ng isang tula na pinamagatang:
Ang Manlilikha
Malawak at malalim ang pang-unawa
Ang pangit ay kaniyang napapaganda
Nakapagsasalita kahit wala s’yang
Sinasambit na mga taludtod o kataga...
Dilim ang kan’yang nakikita 'pag araw
Subali’t nasisilaw siya 'pag gabi
Mga mata’y nakakakita ng mga bagay
Na siya lang ang makapaglalarawan...
Taglay n’ya ang ekstrang pares ng tainga
Nakaririnig ng kakaibang himig
May ekstra s’yang ilong na nakalalanghap
Ng ibang baho, bango’t lansa ng buhay...
Matamis mangusap ang kaniyang puso
Saya’y hatid sa damdaming may siphayo
Simbolo’y gamit n’ya, imahi’t kataga
Napasasaya ang matamlay na diwa…
Gamit ang papel at ang kan’yang panulat
Hahagkan n’ya ang buwan at mga bituin
Na kumikinang sa kalawakan
At nagsasaboy ng liwanag sa kadiliman...
Nguni’t mga nalikha’y walang kahulugan
Kung lahat ay tiniklop at ibinaon
Ang ipinunlang kaisipan sa tao’y
Mabubura, pati ligaya ng kahapon...
S’yang Makatang pinagpala ni Bathala
Nagtatago sa likod ng kan’yang pluma
Ang bisyo’y paglaruan ang mga salita
Upang damdami'y ipaabot sa kapuwa!
Itong tula ay ginamit kong panimula sa aking tsapbuk sa (http://www.patnubay.com) puwede ho n'yong i-criticise ito. Salamat uli Sir.